-- Advertisements --

CEBU CITY – May kinalaman sa negosyo at personal grudge ang tinitingnang mga anggulo sa pagpaslang sa isang Indian-national sa Brgy. Pajac, lungsod ng Lapu-Lapu.

Patay sa pamamaril ang nagpapautang na si Gagandeep Singh, 27-anyos, at residente ng nasabing barangay.

Ayon kay Police Major Juan Capacio, ang hepe ng Marigondon Police Station, inabangan si Singh ng hindi pa nakikilalang gunman habang naniningil sa mga umutang sa kanya.

Mabilis na nakatakas ang gunman matapos barilin si Singh.

Nagtamo ng tatlong tama ng bala si Singh sa kanyang katawan at nagbunsod ito sa kanyang agarang kamatayan.

Narekober naman ng PNP ang apat na empty shells ng caliber 45 na armas.

Dagdag pa ni Capacio na may kinalaman umano ang naturang biktima sa isang traffic accident noong buwan ng Agosto.

Isinailalim na sa mas malalimang imbestigasyon ang nangyaring pamamaril sa naturang Indian-national.