-- Advertisements --
ppcrv 9

Nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) sa Commission on Elections (Comelec) na madaliin ang aksyon sa higit limang oras na problema sa transparency server ng mga resulta ng halalan.

Sa isang statement na binasa ni PPCRV legal counsel Atty. Howard Calleja, ipinaabot ng poll watchdog ang kanilang pagkabahala dahil sa pagkaantala ng bilangan para sa Senatorial at Party-list posts.

Humiling din ang mga ito sa Comelec na buksan sa lahat ng stakeholders ang pagdo-dokumento ng gagawing aksyon.

Bukod dito, nais din ng PPCRV-KBP na palawigin ng poll body ang sakop ng stakeholders kasama ang minority at independent parties.

Gayundin na pinase-secure ng mga ito sa Comelec ang kopya ng logs at nag-request na bigyan ng kopya ang media at mga partidong nagbabantay sa parallel and unofficial count ng PPCRV-KBP.

“Along with our media partners and stakeholders we urge the Comelec to resolve the issue at the soonest possible time.”

Sa ngayon nangako ang PPCRV-KBP na mananatiling vigilante sa pagusad ng bilangan ng mga boto na kanilang matatanggap.

Nauna ng sinabi ng Comelec na ang naturang delay ay dulot ng data pocket problem o isang teknikal na problema kaya hindi mai-forward ng transparency server ang natatanggap nitong data mula sa clustered precincts.