Pinaplano na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang paglalagay ng processing center sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang matiyak na dadaan din sa mahigpit na security measure ang mga VIP (very important persons).
Sa isang panayam, sinabi ni MIAA General Manager Eric Ines na pinaplano nilang ilagay ang naturang processing center sa Terminal 4.
Ito aniya ang magsisilbing general aviation processing, kung saan inaasahang darating at aalis ang lahat ng mga VIP passenger.
Gayunpaman, hindi aniya ito kayang gawin sa loob lamang ng ilang sandali habang tinitingnan din ang posibleng mga butas o problema.
Sa kabila ng mga ito, maaari aniyang magawa na ito sa susunod na lingo.
Nilinaw naman ng opisyal na mananatili pa ring domestic terminal ang Terminal 4 habang isang lugar lamang nito ang malalagyan ng X-ray na pamamahalaan ng mga Immigration at Customs personnel, 24/7.
Una nang inihayag ni Senator Raffy Tulfo ang pagkadismaya sa umano’y kawalan ng sapat na screening sa NAIA para sa mga VIP kung saan napapayagan silang direktang magtungo sa kanilang mga eroplano mula sa kanilang sariling sasakyan nang hindi dumadaan sa masusing inspeksiyon.