-- Advertisements --

Pormal nang inilabas ng Malacanang ang Proclamation No. 1356 na nagsasaad sa May 3, 2022 bilang regular holiday kaugnay ng Eid’l Fitr o ang Feast of Ramadan.

Nitong araw ng Linggo pa umano napirmahan ng pangulo ang nasabing proklamasyon na inirekomenda ng National Commission on Muslim Filipinos, pero ngayong Lunes lang isinapubliko.

“The entire Filipino nation should have the full opportunity to join their Muslim brothers and sisters in peace and harmony in observance and celebration of Eid’l Fitr, subject to the public health measures of the national government,” nakasaad sa proclamation.

Una nang inanusyo ni Executive Secretary Salvador Medialdea na May 3 pa rin ang regular holiday, bagama’t ngayong Mayo 2 nagsimula ang selebrasyon ng mga Muslim alinsunod sa anunsyo ng Grand Mufti ng Bangsamoro Darul-Ifta.

Samantala, kaisa si Pangulong Rodrigo Duterte ng buong Filipino-Muslim community sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr.

Sa kaniyang mensahe, binigyang diin ng pangulo na ang masaganang okasyon at pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan ay nagbibigay pagkakataon sa ating mga kapatid na Muslim para makisaya at maliwanagan sa mga pagpapalang kaloob ni Allah.

Kaya naman aniya kaisa siya sa pagpapasalamat sa nasa Itaas para sa mga pagpapalang ito at sa pananatiling malakas sa buong panahon ng pagtitika.

Ayon pa sa pangulo, sa nagdaang ilang taon na may pandemya ay pinanatili ng Panginoon at ni Allah na matatag ang bawat isa kaya dapat talaga na maging masaya at magpasalamat sa patuloy na gabay sa buong panahon ng ating pagdurusa.

Sa banal na okasyong ito, umaasa ang pangulo na lalo pang lumakas ang mga Muslim at patuloy na magbigay inspirasyon sa kanila na maging modelo hindi lamang ng paniniwalang islam ng mga ito kundi ang pagmamagandang loob at pagmamalasakit sa lahat ng sangkatauhan.

Ang Eid’l Fitr ay ang pagtatapos ng Ramadan na isang religious festival na inoobserba ng mga Muslims sa buong mundo. (with reports from Bombo Reymund Tinaza)