-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang mga bayan sa lalawigan ng Catanduanes na naapektuhan ang mga pananim dahil sa nararanasang dry spell.

Nasa mahigit 346 ektarya na umano ng standing crops ng palay ang apektado ng matinding init ng panahon na nararanasan na rin sa San Andres, Panganiban at Virac.

Ayon kay Nelia Teves, provincial agriculturist sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, katumbas na nito ang kabuang halaga ng production loss na P9.9-milyon.

Nagkabitak-bitak na rin aniya ang lupang sakahan kaya mahihirapan ang mga magsasaka sakaling tumagal pa ang dry spell.

Kahit pa ang mga umaasa sa irigasyon ay apektado na rin umano dahil sa humihinang lebel ng water source.

Samantala ayon kay Teves, magkakaroon umano ng ocular inspection ang technical staff at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa pag-validate ng mga report at pag-aaralan kung maaring magrekomenda ng state of calamity.