Hindi apektado ang produksiyon ng sektor ng pangisdaan sa Pilipinas sa no trespassing policy ng China sa disputed waters na sumasaklaw sa exclusive economic zone ng ating bansa ayon yan kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) spokesperson Nazario Briguera.
Ito ay dahil hindi kinikilala ng PH ang unilateral declaration ng China.
Sinabi din ng BFAR official na pagdating sa produksiyon ng isda, mahalaga ang kontribusyon ng West Philippine Sea.
Base nga sa datos mula sa BFAR, ang WPS ay nag-aambag ng 6% hanggang 7% ng kabuuang sektor ng pangisdaan sa bansa kung saan nasa halos 400,000 mangingisda ang nasa territorial waters.
Sa kabila din ng banta ng China na pag-aresto at pagkulong sa mga dayuhang papasok sa kanilang inaangking teritoryo sa WPS, iniulat ng Philippine Coast Guard na dumami ang mangingisdang Pilipino na nangingisda sa lugar sa gitna na rin ng pinaigting pang presensiya ng mga barko ng ating bansa para protektahan ang mga mangingisdang Pilipino.