Iniulat ng Philippine Coconut Authority (PCA), na bumaba ng 20% ang produksyon ng niyog sa bansa ngayong taon, dulot ng matinding tagtuyot mula sa El Niño noong unang bahagi ng 2023 at sunod-sunod na bagyo sa huling bahagi ng taon.
Ayon kay Luz Brenda Balibrea ng PCA, naapektuhan din ang produksyon ng coconut oil na bumaba ng 15%.
Bagamat may pagbaba, nananatiling pangalawa ang Pilipinas sa pinakamalaking prodyuser ng niyog sa buong mundo. Dagdag ni Balibrea, hindi lang ang Pilipinas ang nakakaranas ng kakulangan dahil apektado rin ang pandaigdigang suplay ng mga vegetable oil.
Bilang tugon, isinusulong ng PCA ang malawakang pagtatanim at replanting ng niyog. Target ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog, kung saan 8.5 milyon ang naitanim na noong nakaraang taon at 25 milyon pa ang target ngayong 2025.
Nilinaw din ng PCA na walang ipapatupad na export ban sa mga produktong niyog dahil ito ang pangunahing export commodity ng bansa.