Naniniwala ang National Irrigation Administration(NIA) na lalo pang tataas ang produksyon ng palay sa 2025.
Ayon kay NIA Administrator Aduardo Guillen, kasunod na rin ito ng lalo pang pagtaas ng bilang ng mga irrigation facilities at mga dam sa bansa na makakatulong para mapatubigan ang mga taniman ng palay.
Inihalimbawa ng opisyal ang mga bagong dam na binuksan kamakailan sa iba’t-ibang panig ng bansa katulad ng Western Visayas, Cordillera, Central Luzon, atbpa.
Ang mga ito ay makakatulong aniya upang mapalakas ang lokal na industriya ng bigas sa tulong na rin ng mga magsasaka at ng gobiyerno.
Maliban dito, magagamit na rin ang bagong binuo na cropping calendar kung saan ang kasalukuyang dalawang cropping season sa mga NIA-irrigated areas ay gagawin nang tatlong cropping season.
Tinukoy din ng NIA Administrator ang aniya’y ‘incorporation’ o pagpasok at pagsasama sa konsepto ng irigasyon sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa ilalim nito ay nagsasama ang NIA at DPWH sa pagpaplano sa mga ginagawang flood control facilities kung saan iniipon ang mga tubig sa mga naturang pasilidad upang magamit sa mga sakahan sa halip na hayaan lamang tumuloy sa mga dagat at ilog.
Maalalang una nang ipinagmalaki ni PBBM ang hanggang 5,500 flood control projects at mga bagong dam na nagawa sa ilalim ng kanyang administrasyon sa pinakahuling SONA.