ILOILO CITY – Bumaba ng 50% hanggang 60% ang produksyon ng palay sa Iloilo dahil sa nararanasang El Niño phenomenon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Ildefonso Toledo, provincial agriculturist, sinabi nito na mayroong water shortage sa lalawigan ng Iloilo kung kaya’t apektado ang produksyon ng palay at iba pang agricultural products.
Ayon kay Toledo, hindi bababa sa 20 bayan ang nagpaabot ng reklamo dahil na rin sa epekto ng tag-init kung saan nagkabitak-bitak na ang mga palayan at tuyo na rin ang mga balon at mga sapa na pinagkukunan ng tubig.
Maliban sa pagbaba ng produksyon ng palay, apektado rin ang mga high value crops kagaya ng pakwan at mangga.
Ani Toledo, ang bayan ng Bingawan pa lang ang nagdeklara ng state of calamity at pinangangambahan na magdedeklara rin ang mahigit sa 20 bayan.
Sa ngayon, wala pang natanggap na reklamo ang Provincial Agriculturist Office hinggil sa pinsala ng El Niño sa mga hayop.
Napag-alamang umaabot na sa P900-milyon ang nalugi sa palayan sa Iloilo dahil sa matinding tagtuyot.