Natapos na umano ng Russia ang paggawa sa unang batch ng bago nitong bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ilang oras lamang makaraang iulat ng Russian health ministry na sinimulan na raw nila ang manufacturing sa bakunang pinangalanang “Sputnik V”.
“The first batch of the novel coronavirus vaccine developed by the Gamaleya research institute has been produced,” saad ng ahensya.
Una nang sinabi ni Russian President Vladimir Putin na ligtas ang bakuna na katunayan ay tinurukan daw nito ang isa sa kanyang mga anak.
Gayunman, hindi pa tapos ang isinasagawang clinical trials at ang final stage testing na mangangailangan ng 2,000 katao ay nagsimula lamang ngayong linggo.
Kaya naman, hindi maiwasan ng ilang mga siyentipiko at maging ng World Health Organization na magduda sa kakayahan ng bakuna, na nangangailangan pa rin ng masinsinang safety review.
Binatikos naman ito ng Moscow, na umano’y pangmamaliit sa isinagawa nilang pananaliksik.