LEGAZPI CITY – Binili ng Albay Provincial Government ang mga gulay at prutas na maagang inani ng mga magsasaka sa lalawigan upang hindi gaanong maapektuhan ang sektor ng agrikultura dahil sa banta ng bagyong Ambo.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) head Eva Grageda sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ipapamahagi ang mga ito sa mga inilikas na residente na apektado ng sama ng panahon gayundin sa mga apektado ng coronavirus pandemic.
Mula ang naturang mga produkto sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.
Nabatid na umabot na sa P2 million ang pondo ng provincial government para sa pagbili ng mga gulay at prutas na paraan na rin aniya upang hindi malugi ang mga magsasaka.
Samantala, aminado si Grageda na malaking pagsubok ang pagkakasabay ng bagyo at COVID-19 pandemic subalit sinigurong patuloy na magpapaabot ng tulong sa mga Albayano.