-- Advertisements --

BOMBO BACOLOD – Naka-quarantine ngayon sa Mambukal Mountain Resort ang OIC budget officer ng Negros Occidental makaraang lumabas sa COVID test na positibo ito sa virus.

Sa kumpirmasyon ni Negros Occidental Provincial Administrator Atty. Rayfrando Diaz, boluntaryong sumailalim sa swab test ang OIC budget officer nitong Nobyembre 11 matapos nilagnat at sa parehong araw din lumabas ang resulta na positibo ito sa virus.

Kaagad na nagsagawa ng contact tracing at isinailalim sa swab test ang pamilya nito at kasamahan sa opisina.

Ayon kay Diaz, negatibo ang mga empleyado samantalang nagpositibo naman ang brother-in-law ng budget officer.

Nakadalo rin sa budget hearing ng Sangguniang Panlalawigan ang department head kaya’t isinailalim sa swab test ang mga nakaupo malapit sa kanya at dinisinfect ang session hall.

Ayon sa provincial administrator, posibleng naganap ang transmission sa bahay ng budget officer dahil nagdasal ang pamilya para sa namatay na kamag-anak kasama ang limang professional prayer warriors na patuloy pang pinaghahanap hanggang ngayon.

Inaasahan namang lalabas ngayong araw ang COVID test result ng mga nakaclose contact ng budget officer.