Inihinto na ng Professional Regulation Commission (PRC) ang kanilang polisiya na hindi pumapayag sa mga gurong mag-renew ng kanilang mga lisensiya dahil sa mga hindi nila nabayarang mga utang.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) na siyang mayroong hurisdiksiyon sa PRC, epektibo ngayon ay suspendido na ang polisiya na nasa ilalim ng Memorandum Order 44.
Ang naturang order ay para sa mga professionals na mayroong mga nakabinbing administrative cases na siya namang dahilan nang hindi pag-renew ng PRC sa mga lisensiya ng mga ito.
Ayon sa DOLE, ang naturang polisiya ay natugunan daw sa Resolution 1558 na pirmado ni Acting Chairman Jose Cueto Jr. at Commissioner Erwin Enad.
Pero kinuwestiyon naman ito ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Aniya, paano raw mababayaran ng mga professionals ang kanilang mga utang kung hindi naman sila makakapagtrabaho dahil sa hind na-renew na lisensiya.
Dagdag ni Laguesma, dapat din umanong mag-focus ang PRC sa kanilang regulatory function sa undesirable acts mula sa pag-exercise ng profession.
Sa ilalim ng kanilang mandato, ang PRC ay dapat mag-administer, implement at enforce ang regulatory laws kaugnay ng pagbibigay ng lisensiya sa mga professions at occupations na nasa ilalim ng kanilang jurisdiction.
Sinabi rin ni Laguesma na ang kada regulasyon ay dapat na reasonable at hindi ito dapat gamitin para maparusahan ang mga professional dahil sa kanilang socioeconomic status.
Ang pinakahuling development ay kasunod na rin ng naging pagbubunyag ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro noong nakaraang linggo kaugnay ng “utang-tagging,” at ang karamihan daw sa mga nabibiktima ay ang mga guro.
Para naman sa panig ni Cueto,sinabi nitong nakahandang i-review at komunsulta ang PRC sa ilang professional boards para ma-promote ang efficiency at fairness sa kanilang proseso at disciplinary procedures.