-- Advertisements --

Pormal nang pinalitan ng Office of the Vice President ang kanilang profile picture sa Facebook bago ang pagsisimula ng campaign period para sa national candidates ngayong araw.

Nabatid na saktong alas-12:00 kaninang madaling araw nang binago ng OVP ang profile picture nito sa Facebook.

Sa halip na litrato ni Vice President Leni Robredo, pinalitan na nila ito ng official logo ng tagapangalawang pangulo ng bansa.

Ngayong araw ay isa-isang magsasagawa ng kanilang proclamation campaign ang mga tatakbo sa pagkapangulo kasama ang kanilang ka-tandem at senatorial lineup.

Si Robredo, kasama ang kanyang ka-tandem na si Sen. Francis Pangilinan, ay gagawin ito sa Plaza Quezon sa Naga City mamayang alas-5:30 ng hapon.

Si Mayor Isko Moreno at Dr. Willio Ong ay gaganapin naman ito sa Kartilya ng Katipunan sa Manila mamayang alas-4:30 ng hapon.

Sa Imus Grandstand sa Cavite naman pupuwesto sina Sen. Panfilo Lacson at Senate President Tito Sotto.

Dadayo naman sa Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan sina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa kanyang balwarte naman sa General Santos City, sa Oval Public Plaza ng lungsod sina Senator Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza.

Habang dito naman sa Quezon City sina Ka Leody de Guzman at Walden Bello.