-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nagsasagawa na ngayon ng profiling o ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) laban sa apat na Chinese nationals na nahulihan ng P124-milyong halaga ng shabu sa lungsod ng Urdaneta kamakailan lamang.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PPO director, Col. Wilson Lopez, sinabi nito na tuloy-tuloy pa rin ang pagkilos ng kapulisan upang tuluyan nang matunton ang ugat o lokasyon ng shabu o droga na idinaan pa umano sa lalawigan ng Pangasinan.

Aniya, magpapatuloy ang kanilang operasyon lalo na’t hindi umano biro ang halaga na nakuha sa mga dayuhang suspek.

Sisilipin din daw ng mga otoridad kung may mga Pilipinong nagamit bilang “point man” o “middle man” sa naturang iligal na gawain.

Batay naman sa pinakahuling impormasyon na nakalap ng kapulisan, kanila umanong nadiskubre na una nang nag-operate ang mga nahuling Chinese nationals sa lungsod ng Baguio na umabot pa hanggang sa Ilocos Norte.

Samantala, tiniyak naman ni Lopez sa publiko na walang pagawaan ng droga sa lalawigan ng Pangasinan.

Aniya, naging daan lamang ang probinsya upang maisagawa ng mga dayuhang suspek ang kanilang iligal na gawain.

Kung matatandaan, apat na Chinese nationals ang naaresto sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang subdivision sa lungsod ng Urdaneta.

Nasamsam sa mga suspek na sina Lu Jun, Zuo Sheng Li, Li Yu, at Ye Ling ang nasa P124-milyong halaga ng shabu.