CENTRAL MINDANAO – Mas palalakasin pa ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang mga programa nito sa lalawigan ng Cotabato ngayong 2023.
Ito ang inihayag ni TESDA Regional Director Rafael Abrogar II nang siya ay makapanayam ng Provincial Governor’s Office-Information and Development Communication Division (PGO-IDCD) kung saan binigyang diin nito na ang mga skills training na ibinibigay ngayon ng ahensya ay “area-based and demand-driven” o nakabatay sa pangangailangan ng isang lugar o komunidad upang matugunan ang kawalan ng trabaho.
Inihayag din niya na batay sa national statistics noong 2022 pito (7) sa sampung (10) graduate ng technical and vocational (TechVoc) courses ng TESDA ay nakakahanap ng trabaho.
Labis naman ang pasasalamat na ipinaabot ng direktor sa pamunuan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa tulong at suporta nito na maayos na maipatupad ang ang mga programa sa probinsya.
Aniya, “Kami ay lubos na nagpapasalamat kay Governor Lala Mendoza dahil despite sa lack of resources minsan we were able to deliver our services with the help of the provincial government.”
Sa katunayan ayon pa sa kanya, abot sa 636 scholars mula sa 25 Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC) barangays ng lalawigan ang nakapag-avail ng libreng trainings at livelihood assistance mula sa tanggapan nitong nakaraang taon.
Nabanggit din nito na sa loob ng dalawang taon ay mayroon ng higit sa 5,000 Cotabateño ang nabigyan ng scholarship program at malaki ang naitulong ng dalawang provincial training centers na pinapatakbo ng TESDA na nasa bayan ng Pigcawayan at Amas, Kidapawan City.
Dagdag pa niya, na ngayong taon higit sa P100M pondo ang inilaan ng ahensya para sa Cotabato Province na magagamit sa implementasyon ng iba’t ibang programa lalo na sa pagbibigay ng trainings na may kinalaman sa agrikultura, turismo at iba pa.
Masaya ring ibinalita ni Abrogar na ang rehiyon XII ay pangatlo sa buong Pilipinas sa may pinakamaraming TechVoc graduate na nakakahanap ng trabaho.