-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isinagawa ang PinasLakas Launching Activity in Worship Places sa bayan ng Pigcawayan Cotabato na hudyat ng serye ng vaccination campaign na gagawin sa mga religious institutions.

Ang aktibidad ay parte ng pinaigting na kampanya ng pamahalaang nasyunal sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. upang pataasin ang bilang ng mga bakunado kontra Covid-19 sa bansa.

Mismong si Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza kasama sina Department of Health-Field Implementation and Coordination Team (DOH-FICT) Undersecretary Dr. Abdullah B. Dumama Jr., DOH 12 Regional Director Aristedes C. Tan, MD, at Mayor Juanito C. Agustin ang nanguna sa ceremonial vaccination.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gov. Mendoza na suportado ng pamahalaang panlalawigan ang naturang programa ng Pangulo lalo pa at isa ang bakuna sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan ngayong patuloy pa rin ang banta ng COVID-19 virus.

Binigyang diin din nito na katuwang ang mga local government units patuloy pa rin ang pagsasagawa ng vaccination drive sa probinsya lalo na sa mga liblib na lugar.

Nagpaalala din ang gobernadora sa mga Cotabateño na huwag mag-atubiling lumapit sa mga kinauukulan hinggil sa kanilang hinaing o isumbong ang anumang uri ng katiwalaan.

Naroon din sa nasabing launching sina 1st District Board Members Rolando Jungco at Sittie Eljorie C. Antao, at Ex-Officio Board Member Sangguniang Kabataan Provincial Federation President Sarrah Joy L. Simblante.