DAVAO CITY – Target ngayon ng City Government of Davao na ilunsad ang programa ng National Government na 4PH o ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ito ang bunga ng nangyaring pakikikipag-usap nina Davao City Mayor Sebastian Duterte at DSWD Sec. Rex Gatchalian matapos bisitahin ng kalihim ang evacuation center ng mga nasunugan sa Piapi Boulevard, Davao City na tumupok sa naitalang 1,200 na mga kabahayan noong Pebrero 25.
Ayon kay Presidential Assistant for Eastern Mindanao Sec. Leo Abellera Magno, sisimulan ng national government ang proseso sa paglulunsad ng naturang programa.
Habang inaatasan naman ang LGU na tukuyin ang mga magiging benepisyaryo na binubuo ng mga nasa minimum wage earners, informal settlers, mga nakatira sa danger zones, at mga pamilyang nag-aasam ng simple, mura at kumportableng tahanan.
Makikipagpulong muli ang Davao City LGU sa mga opisyal ng Department of Housing Settlements and Urban Development para sa magiging implementasyon ng programa.
Nauna nang nilagdaan noong Pebrero 16 ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Department of Housing Settlements and Urban Development at Office of the Presidential Assistant for Eastern Mindanao para sa paglulunsad ng pambansang pabahay sa Eastern Mindanao na binubuo ng mga probinsya ng Davao del Norte, Davao Del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao City.