ILOILO CITY – Suportado ng progresibong grupo ang isang linggong transport strike na ikinakasa ng ilang transport group sa susunod na linggo upang tutulan ang isinusulong na Public Utility Vehicles (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Panay secretary general Elmer Forro, sinabi nito na kaakibat sila sa pagsasanib pwersa ng iba’t ibang transport groups sa gagawing strike.
Anya kaisa sila ng mga ito sa pagtutol sa inilabas ng Land transportation franchising and regulatory Board na Memorandum Circular 2023-013 sa Public Utility Vehicle Modernization program na hanggang Hunyo 30 na lamang.
Naniniwala rin ito na mapansin sila ng gobyerno at makita ang importansya ng mga sasakyan sa bansa.
Sakripisyo rin umano ito sa mga driver na hindi papasada sa ilang araw.
Nanawagan rin ito sa pamahalaan na sana’y pagbigyan ang hiling na limang taon pa bago ipatupad ang Public Utility Vehicle Modernization program at sana’y mapakinggan sila hinggil sa maipresinta nila ang disenyo ng Jeepney na pasok sa standards at mas mura.
Binatikos rin nito ang ang Land transportation franchising and regulatory Board dahil sa pagpatay nito sa iconic traditional jeepney at binalaan ang publiko na magkakaroon ng krisis sa transportasyon pagkatapos ng deadline ng Hunyo 30.
Napag-alaman na nasa 50,000 traditional jeepneys ang hindi pa nakakasunod sa modernization program, at 96,000 jeepneys o 61 percent ng 158,000 traditional na units sa buong bansa ang nagsama-sama sa mga korporasyon o kooperatiba.