Aprubado na kay Senate Ways and Means Committee chairperson Pia Cayetano ang proposal na magpapataw ng progressive tax rate para sa domestic corporations sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralp Recto na ang iba’t ibang tax rates na ito ay dapat i-apply depende sa assets at taxable income ng mga domestic firms.
Bilang tulong aniya sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs), kung ang asset ng isang kumpanya ay mas mababa sa P100 million, ang tax rate nito ay nasa 20% lamang. Kung ang assets naman ay sosobra ng P100 million, 25% ang magiging taxable rate ng isang kumpanya.
Hindi kasama sa total assets ang halaga ng lupa kung saan nakatayo ang property, plantasyon o equipment.
Nakasaad din sa proposed amendment na ito na kung ang taxable income ay mas mababa sa P5 million, ang tax rate ay mananatiling 20%, habang ang mga kumpanya naman na kumikita ng P5 million ay dapat sumunod sa 25% tax rate.
Subalit tinanggihan ni Cayetano ang proposal ni Recto ukil sa parehong rates para sa resident foreign corporations sa Pilipinas dahil baka raw magka-isyu ito sa Department of Finance (DOF).
Ayon daw sa DOF, may mga partikular na probisyon ang hindi nila matatanggap. Ang problema raw kasi ng ahensya ay mahihirapan silang alamin ang total assets ng foreign corporations kung kaya’t nais nila na iisang tax rate na lamang ang ipatupad. Bukas naman si Recto sa naging apela.
Sa oras na maging batas na ang CREATE bill, inaasahan na magiging epektibo ang bagong corporate tax rates simula Hulyo 1, 2021.