-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isinagawa ang launching ceremonies ng Empowering Girls as Agents of Change towards Gender Equality in Indigenous and Disadvantaged Communities in Cotabato Province (Project ENGAGE) ng Save the Children sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza upang maisulong ang karapatan ng mga batang babae sa mga indigenous and disadvantaged communities sa probinsiya.

Isinusulong ng Project ENGAGE ang empowerment ng mga batang babae sa pamamagitan ng mga programa at kampanya upang mabigyan ng oportunidad ang mga ito at mas maunawaan nila ang kanilang mga karapatan bilang kabataan.

Sa mensahe ni Former Board Member Loreto Cabaya bilang representante ni Gov. Mendoza pinahayag nito na ang probinsiya ay aktibo sa pagpapatupad ng kaparehong adbokasiya. Siniguro din ni Cabaya na handa ang pamahalaang panlalawigan na makipagtulungan para sa tagumpay ng proyekto at mas magiging sensitibo umano ang probinsiya sa pagpapatupad ng mandatong ito.

Hinikayat naman ni Save the Children Philippines Office Head Ivy Caballes sa lahat ng mga stakeholders na makiisa at tumulong para sa nasabing adhikain upang mabigyan ng mas mabuting kinabukasan ang ating mga kabataan ngayon.

Ayon naman kay Project ENGAGE Focal Person Joanna Marie Condat, kabilang sa nakapaloob sa nasabing proyekto ang serye ng capability building activities para sa Life Skills, Gender Equality, Peer Support, Psychological First Aid at marami pang iba na kinakailangan ng mga benepisyaryo sa komunindad. Idinagdag rin ni Condat na magkakaroon ng “girl safe spaces” ang mga batang kalahok sa programa kung saan malaya silang makapagpahayag ng kanilang mga saloobin.

Dumalo rin at sumuporta sa nasabing aktibidad sina Provincial Indigenous Peoples Mandatory Respresentative (IPMR) Timuey Arsenio Ampalid, Makilala IPMR Lutero Pampangan, kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya at pribadong organisasyon at iba pang mga stakeholders.