Nag-isyu ang Malacanang ng proklamasyon na nag-aamyenda sa unang proclamation number 42 na nagdideklara para sa regular holidays at special non working days para sa susunod na taon.
Sa ilalim ng Proclamation Number 90 na pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa petsang November 11, 2022, binigyang diin na may pangangailangang mag-adjust ang mga holiday na ito alinsunod sa prinsipyo ng holiday economics, ibig sabihin ay magkaroon ng long weekend.
Naniniwala si Pangulong Marcos na ang mas mahabang weekend ay makatutulong para mahikayat ang domestic travel at maitaas ang antas ng productivity at expenditures sa sektor ng turismo sa bansa.
Para sa taong 2023, ang bagong taon o new year’s day ay tatapat sa araw ng Linggo.
Bilang konsiderasyon ng tradisyon ng mga Pilipino na bumisita sa mga kaanak at mag-bonding kasama ang pamilya sa okasyong ito, nararapat aniyang ideklara ang January 2, Lunes bilang karagdagang special non working holiday sa buong bansa.
Ang paggunita naman sa araw ng kagitingan sa April 9, 2023 na regular holiday ay tatapat ng Linggo.
Para mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na magkaroon ng long weekend, ang Lunes April 10, 2023 ay maaaring ideklara bilang non working holiday, basta mapanatili lamang ang historical significance ng araw ng kagitingan.
Samantala, ang Bonifacio day naman na inoobserbahan bilang regular holiday sa November 30 ng bawat taon ay tatapat sa Huwebes para sa 2023.
Alinsunod sa Republic Act 9492, ang November 27, 2023 o Lunes na pinakamalapit sa November 30 ay maaaring ideklara bilang non working holiday, habang ang November 30 Huwebes ay maaaring ideklara bilang working day.