CAUAYAN CITY – Arestado ang promodizer ng isang bahay kalakal matapos pagnakawan ang kanyang pinagtratrabahuan sa barangay San Fermin.
Ang suspect ay si Danny Galindon, 27 taong gulang, binata, promodizer at residente ng barangay Baculud Ilagan City.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauyan City Police Station na nagtungo ang naturang pinaghihinalaan sa warehouse ng Savemore at kumuha umano ng dalawang piraso ng chocolate na may kabuuang halaga na P559.00.
Nakita umano ito ni Marites Gulam, selling assistant ng nasabing bahay kalakal na siyang nagsabi sa nakaduty na head guard na si Fredelyn Ramos.
Agad umano nilang pinahinto ang pinaghihinalaan paglabas nito sa warehouse at nakuha sa kanyang pag-iingat ang mga nasabing paninda.
Ipinasakamay ng pamunuan ng nasabing bahay kalakal si Galindon sa Cauayan City Police Station na nahaharap sa kasong Qualified Theft.
Samantala, labis ang pagsisisi ng pinaghihinalaan sa ginawa nitong pagnanakaw sa ilang paninda ng pinagtratrahuan nitong bahay kalakal sa barangay San Fermin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Galindon na natukso lang siya ng kanyang mga katrabaho na kumukuha rin ng ilang paninda sa kanilang warehouse.
Aniya, bago niya kinuha ang paper bag na naglalaman ng mga nasabing paninda ay mismong ang kanyang mga kasamahan sa trabaho ang naglagay sa nasabing paninda sa paper bag.
Hindi naman niya inakalang ipapasubo siya ng isa sa kanilang katrabaho.
Humingi din siya ng tawad sa pinagtrahuan nitong kumpanya sa nagawa nitong kasalanan.