-- Advertisements --
Duterte face mask davao Go
Video grab from Sen. Go FB live

Naglabas pa nang dagdag na patunay si Sen. Bong Go na nandito lamang sa Pilipinas ang Pangulong Rodrigo Duterte at kailanman ay hindi tumungo ng Singapore para magpagamot.

Liban sa larawan, nagsagawa pa ng Facebook live ang senador upang patunayan na maayos ang kalusugan ng Pangulo.

Ayon kay Go, ‘wag daw mag-alala ang lahat at sa katunayan nang kunan ang FB live nitong Lunes ng gabi ay patungo na ang Presidente sa virtual meeting niya sa ilang cabinet members.

Ang Pangulong Duterte naman na naka-face mask at face shield ay nagbigay pa ng payo na gayahin daw siya at manatili lamang sa loob ng bahay.

“Well, as you can see clearly I have been in Davao all along. Umiiwas din ng COVID,” giit pa ng Pangulo.

Una rito, nito namang hapon sa inilabas na larawan ay makikita na magkakasamang kumakain ang pamilya sa kanilang tahanan sa Davao City.

Makikita rin sa larawan ang partner ng Pangulong Duterte na si Honeylet na hawak-hawak sa kaliwang kamay ang Bulletin Today na pahayagan na may petsa ngayong araw.

Nasa picture din ang anak nila na si Kitty na karga ang isang bata.

Bago ito sa statement nitong nakalipas na Linggo sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na nandito sa bansa ang chief executive at mahigpit na binabantayan ang sitwasyon ng pandemya.

“There is no truth that President Rodrigo Roa Duterte left the country this weekend,” ani Sec. Roque. “The Chief Executive is in the Philippines and closely monitoring the COVID-19 situation in the country.”

Duterte Honeylet kitty Davao

Samantala bago naman ang virtual meeting nitong Lunes, sinabi ng Palasyo na nasa perpetual isolation ang Pangulong Duterte dahil na rin sa pag-iingat ng Presidential Security Group (PSG).

Sinabi ni Sec. Roque, iniingatan ng PSG si Pangulong Duterte para hindi tamaan ng COVID-19.

“So I guess my answer is he’s in perpetual isolation in the sense that PSG has done a very good job in making sure that no one really comes close to the President,” pahayag pa ni Roque.

Kung maalala nakasalamuha ni Pangulong Duterte si Interior Secretary Eduardo Año na nagpositibobg muli sa COVID-19 noong August 10 sa Davao City para sa pagpupulong ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).