-- Advertisements --

Itinuturing na black propaganda lamang umano kontra sa militar ang kumakalat na video sa social media kung saan ipinapakita ang nakahilerang bangkay ng mga napatay na umano’y miyembro ng bandidong Abu Sayyaf.

Sa nasabing video sinasabing minasaker umano ng mga sundalo ang pitong sibilyan.

Pero batay sa ulat ng Western Mindanao Command (WesMinCom), pitong miyembro ng teroristang Abu Sayyaf ang napatay sa engkwentro laban sa mga sundalong Army Scout Rangers sa Brgy. Bakong, Patikul, Sulu noong nakaraang Biyernes, Setyembre 14.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay WesMinCom spokesperson Lt. Col. Gerry Besana, ipinaliwanag nito ang katotohanan sa likod ng kumakalat na video.

Ayon kay Besana, ang nasabing video ay kinunan matapos i-turn over ng militar ang pitong cadaver sa mga opisyal ng barangay para i-claim ng kani-kanilang mga kamag-anak.

Pero may mga indibidwal pa rin umano na ginamit ang pagkakataon para siraan ang imahe ng militar.

Tiniyak ng militar na lehitimo ang nasabing operasyon kung saan nakasagupa ng mga sundalong Scout Ranger ang nasa 100 mga bandidong Abu Sayyaf.

Mariing itinanggi ng militar na massacre ang insidente dahil may mga pruweba silang ito ay isang legitimate operations na ikinasa ng militar laban sa teroristang grupo.

Sinabi ni Besana, sa nasabing labanan marami din mga sundalo ang nasugatan at kasalukuyang sumasailalim sa medical treatment.