Dapat mas pagtuunan ng pansin ni Vice President Sara Duterte ang proper decorum at tradisyon sa halip na ang panonood ng Netflix ang atupagin at gamitin itong pagbibiro sa isang seryosong bagay.
Ito ang reaksiyon Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo.
Ginawa ni Romualdo ang pahayag kasunod ng pahayag ni VP Sara na hindi ito dadalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Hulyo 22 na gaganapin sa Batasan Pambansa Complex, sa Quezon City.
Ayon kay Duterte kanyang itinatalaga ang sarili bilang “designated survivor,” na halaw sa isang Netflix thriller series.
Sa naturang palabas, namatay ang pinakamatataas na opisyal ng Estados Unidos at ang natira para mamuno ay ang designated survivor.
Ilalahad ni Pangulong Marcos ang kaniyang SONA sa joint session ng Kongreso. Inaasahan na sasaksihan ito ng mga opisyal ng pamahalaan at mga foreign dignitaries.
Una ng sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na mahalagang tagpo ang SONA para sa pagkakaisa at kolaborasyon ng lahat ng pinuno ng bansa.
Bagay na sasayangin ng bise presidente sa desisyon nito na hindi dumalo.