CAGAYAN DE ORO CITY – Nararapat lang umano na maisagawa ng gobyerno na kunin ang mga pag-aari na negosyo at ibang properties ng Chinese national na nagkunwaring dugong Pinoy na si Tony Yang.
Ito ang reaksyon ng dating mambabatas ng unang distrito ng Misamis Oriental na si former City Mayor Atty. Oscar Moreno patungkol sa natuklasan ng magkaibang imbestigasyon ng Senado at Kamara ukol sa pagkatao ni Yang na 26 na taon nang namalagi sa Pilipinas.
Sinabi ni Moreno na kaabang-abang ang mga madi-diskobre pa ng imbestigasyon sa isyu ng ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations para mapanagot ang mga personalidad na mayroong mga paglabag sa batas.
Ginawa ng dating opisyal ang pahayag kaugnay ng kanyang pag-amin na maging siya ay nakasalamuha na si Yang sa ilang Chinese community activities noon sa syudad.
Pag-amin nito marunong ng wikang Filipino si Yang salungat sa ipinakita nito sa pagharap ng senado na kunwari gumamit pa ng interpreter para makasagot sa mga pagtatanong ng mga senador.
Magugunitang batay sa mga imbestigasyon ng Kamara at Senado,lumalabas na maraming pagmamay-ari na mga negosyo si Yang sa Mindanao habang naka-sosyo umano nito ang isa pang Chinese national na si dating Bamban Mayor Alice Guo sa illegal POGO operations.