Isinusulong ni Sen. Imee Marcos na mabigyan ng proteksiyon ang ari-arian na naipundar ng mga nagsasamang same sex couples.
Batay sa Senate Bill 417 na inihain ni Marcos, nais nitong magkaroon ng batas na magbibigay ng karapatan sa mga same sex partners na bumili ng properties, kung saan ikokonsidera ang paggamit nito, pagbenta sakaling sila ay maghiway, magkasakit o mamatay ang isa.
Ipinaliwanag ng senadora na ang pagbili, pagmamay-ari at paggamit ng naipundar na property ay ginagarantiyahan ng batas para sa lahat ng mga mamamayan.
“The acquisition, ownership and use of property, is a guaranteed right of all
citizens. Property ownership, for so many, provides the citizen with the assurance that in times of difficult challenges, there is hope for survival and there will be better days ahead,” paliwanag ni Marcos.
Ang karapatan aniya ng mga same sex partners tungkol sa kanilang mga ari-arian ay dapat ding mabigyan ng proteksiyon.
Sa kasalukuyan maaring mahabol ng mga kamag-anak ang property ng isang namayapang miyembro ng lesbian, gay, bi-sexual, transgender (LGBT) kahit pa ipinundar ito kasama ang kaniyang partner.