-- Advertisements --

Sisikapin umano ng Department of Budget and Management (DBM) na maisumite ang kopya ng panukalang 2020 national budget bago magtapos ang Agosto.

Ito ang paliwanag ni DBM officer in charge Janet Abuel matapos bawiin ang unang pahayag na sa mismong araw ng SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte lalabas ang unang draft ng pambansang pondo sa susunod na taon.

Ayon kay Abuel, hihintayin muna ng DBM na makapaghalal ng House Speaker ang mga mambabatas sa Kamara.

Mahalaga daw kasing malaman ng kagwaran kung sinong opisyal ang kanilang makaka-trabaho sa pagbalangkas ng pambansang pondo.

“(W)e’ll have to wait because we need to have very close coordination with Congress. So we need to wait for their leadership. Its really important to know that we can work with the leadership,” ani Abuel.

Bukod dito, iniingatan din umano ng kagawaran na maulit ang delay sa approval ng panukalang batas gaya ng nangyari sa pagpasa ng 2019 budget na P3.7-trilyon.

Una ng sinabi ni Abuel na sesentro sa Build, Build, Build program, libreng edukasyon, healthcare at programa para sa mga mahihirap ang alokasyon sa panukalang P4.1-trilyon budget para sa taong 2020.