-- Advertisements --

VIGAN CITY – Mahigpit umanong pinag-aaralan ng mga ahensyang kasama sa Inter-agency Task Group ng pamahalaan na may kaugnayan sa El Niño phenomenon ang proposal ng Israel na magtayo ng solar-powered irrigation system sa Pilipinas.

Ito ay upang maibsan ang epekto ng init ng panahon sa sektor ng agrikultura.

Ang mga ahensyang kasama sa nasabing task group ay ang Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration, Presidential Management Office, National Economic and Development Authority, Department of Finance, at Department of Budget and Management.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan kay DA Secretary Manny Piñol, sinabi nito na malaki ang tulong ng solar-powered irrigation system sa bansa upang sa susunod na tumama ang El Niño ay hindi na gaanong maapektuhan ang sektor ng agrikultura.

Aniya, tinatayang aabot sa 50.5 bilyong dolyar ang gagastusin sa proyekto kung saan ang 44 bilyong dolyar ay manggagaling sa Israel samantalang ang gobyerno ng Pilipinas ay magkakaroon ng counterpart na 6.5 bilyong dolyar.

Samantala, kinumpirma ni Piñol na sa ngayon ay bumababa na ang epekto ng init ng panahon sa mga pananim ng mga magsasaka dahil nakakaranas na ng pag-ulan ang mga lugar na nauna nang nagreklamo sa init ng panahon.