Ikinatuwa ng Office of the Vice President (OVP) ang mabilis na paglusot sa komite ng Kamara ng panukalang pondo ng tanggapan sa susunod na taon.
Hindi man nakadalo ng personal si Vice Pres. Leni Robredo, ipinaabot ng mga opisyal nito ang pasasalamat sa mga kongresistang sumang-ayon sa panukalang budget ng OVP sa 2020.
“Kami po ay nagpapasalamat sa ating Kongreso para sa naging pagtanggap nila sa aming mga programa at pagsuporta sa aming budget, pati pa nga iyong manifestation na kung kakailanganing increase-an o dagdagan ay suportado naman po ng ating Kongreso,” ani Dy.
“Ang pinaka-focus talaga ni Vice President Leni Robredo ay iyong ating Angat Buhay program. Ito iyong programa na sinimulan noong 2016 pa lang, noong siya ay naupo bilang Bise Pangulo, at iyong pinaka-layunin ng programa ay paano ba tayo makakabigay ng tulong sa mga parte ng bansa na hindi na kadalasang naaabot ng tulong ng gobyerno, dahil ito ay malalayo, ito iyong mga isla, ito iyong talagang kailangan mong sumakay ng barko, ng kung ano-ano pang mode of transportation, para makarating.”
Ayon kay OVP chief of staff Philip Dy, malaking bagay ang approval ng House Committee on Appropriations sa P673-million proposed budget ng tanggapan.
Mas mataas kasi ang pondong inaprubahan ng Kamara ngayon kumpara sa P671-million budget ng OVP ngayong 2019.
Dahil dito, maipagpapatuloy pa raw ng tanggapan ng bise presidente ang Angat Buhay program na nagbibigay ng tulong sa mga tinaguriang nasa laylayan.
“Kung ikukumpara iyong aming pinropose doon sa nirekomenda ng Department of Budget and Management (DBM), hindi naman naging masyadong malayo iyong naging pagitan. Iyong original na aming pinropose ay 675 million [pesos]; iyong nirekomenda ng DBM is around 665 million [pesos]. At hindi naman na ito masyadong nalalayo doon sa budget na aming ginagalawan para sa 2019. So palagay naman namin, kung magkaroon ng pagkakataon na ibigay iyong parehong budget ay magkakaroon kami ng sapat na pondo at sapat na kakayahan para maipatupad iyong mga adbokasiya ni Bise Pangulo Leni Robredo.”
Matapos i-presenta ni Dy ang presantasyon ng budget ay agad nanawagan si Albay Rep. Edcel Lagman sa komite na ipasa ang budget ng OVP.
Ilang kongresista naman ang nanawagan na taasan ang budget ng tanggapan ng pangalawang pangulo sa tamang panahon.