Itinaas ng Senate Committee on Finance sa P215-bilyon ang proposed budget ng Department of National Defense para sa susunod na taon.
Sa budget deliberations sa Senado, sinabi ni Senator Panfilo Lacson na tanging P208.7-bilyon lamang ang inendorso ng Department of Budget and Management para sa DND sa ilalim ng National Expenditure Program.
Ito ay mas mababa sa orihinal na request ng ahensya na P345.3-billion.
Si Lacson ang nag-sponsor sa DND budget bilang chairperson ng Committee on National Defense and Security at vice chairperson ng Senate finance committee.
Tinaasan ng Kamara ang defense budget sa P210.7 billion sa ilalim ng general appropriations bill, at nagpasya naman ang mga senador na dagdagan pa ito ng P5 billion.
Kasama na rito ang karagdagang P2-bilyon para sa operationalization ng Philippine Army sa 11th Infantry Division; P425 million para sa mga gamot ng mga beterano; P533 million para sa General Headquarters; P100 million para sa cybersecurity; P63 million para sa Office of Civil Defense, at iba pa.
Gayunman, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, baka ma-tag muli ang naturang pondo ng Executive department bilang “For Later Release”.
“We are leaving no room for DBM to impose FLRs on institutional amendments at least because that would be a violation of the Congress to give the authorization to spend,” tugon ni Lacson.
“The amendments introduced by both houses, members of both houses of Congress should not be interrupted or tampered with ng DBM,” dagdag nito.