Lusot na sa komite ng Senado ang panukalang higit P5.2 billion 2023 budget ng Commission on Elections o COMELEC.
Unang na-defer noong Lunes ang budget deliberation ng komisyon dahil sa kakulangan ng dokumento at impormasyong hinihingi ng mga senador.
Sa pagdinig kanina, isa sa mga hiniling ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang dagdag na pondo para sa pagpapatayo ng sariling gusali sa ahensya.
Nagkakahalaga ang gusali ng P9.337 billion.
Giit niya, P1.5 billion ang kakailanganin nila para sa pagpaptayo ng gusali, pero P500 million lang ang binigay sa kanilang alokasyon ng DBM sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Kulang na kulang anya ang P500 million at hindi pa ito makakabuo ng kahit pundasyon ng gusaling plano nilang ipatayo.
Sa Kamara ay nadagdagan na sila ng P500 million pesos na pondo at umaasa siyang madagdagan na rin ito sa senado.
Sakaling maipatayo ang gusali, tinatayang nasa 21.275 billion pesos ang matitipid ng poll body mula sa pagrerenta ng opisina sa Intramuros at warehouses.
Sa ngayon gumagastos ang COMELEC ng P179 million kada taon sa pagrerenta ng kanilang mga opisina.