Nakakita ang state prosecutors ng probable cause para kasuhan ang 8 pulis ng Eastern Police District (EPD) na nagnakaw umano ng P85 million mula sa isang negosyanteng Chinese sa ikinasang hindi awtorisadong police operation sa Las Piñas City.
Sa isang statement, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Anthony Aberin, na naghain na ang Office of the City prosecutor sa korte ng reklamong kidnapping at 2 bilang ng robbery laban sa 8 suspek na mga miyembro ng EPD District Special Operations Unit.
Matatandaan, nag-ugat ang kaso mula sa operasyon kung saan isinilbi ng 8 pulis ang isang bogus na arrest warrant laban sa biktima noong Abril 2 ng kasalukuyang taon.
Base naman sa biktima at kamag-anak nito, pwersahang binuksan ng mga pulis ang kanilang vaults at tinangay ang lamang pera nito kabilang ang mga alahas at iba pang personal na gamit na nagkakahalaga ng P85 million.
Kaunay nito, nanindigan si Maj. Gen. Aberin na hindi pagtatakpan ng NCRPO ang ganitong maling gawain at hindi kukunsintihin ang anumang krimen na nagawa ng sinumang miyembro ng NCRPO at titiyaking magsasampa ng malakas na kaso laban sa mga police scalawags.
Masusi rin aniya nilang susubaybayan ang progreso ng naturang mga kasong kriminal at titiyaking magreresulta ang ginagawang administrative investigation sa pagsibak sa serbisyo ng mga sangkot na pulis base sa ebidensiya at due process.
Ayon naman kay Aberin, nakatakdang isagawa ang preliminary investigation sa commander ng unit na si Major Emerson Coballes na na-tag bilang AWOL (absent without official leave) sa Abril 22 at 29.
Sa ngayon, nakapiit ang 8 pulis sa Las Piñas City custodial facility.