-- Advertisements --
(c) Sandiganbayan/Wikipedia

Hinarang ng prosekusyon ang hiling ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na ikonsidera ng Sandiganbayan ang pagbasura sa kanyang kasong graft at malversation kaugnay ng Malampaya fund scam.

Batay sa 15-pahinang opposition na inihain ng Ombudsman prosecutors noong April 10, nakasaad ang apela nito sa 3rd Division na ibasura ang mosyon ni Andaya dahil bigo umano itong mahain ang dokumento sa petsang itinakda ng korte.

Giit ng prosekusyon tila walang inamin na rin ng kampo ni Andaya na bigo itong maghain ng kanilang apela dahil lagpas na sa limang araw na deadline ang petsa ng pagkakapasa nito sa naturang mosyon.

Nakasaad daw kasi sa kopya ng promulgation sheet noong March 6 na may limang araw lang ang kongresista para tumugon sa ilalim na rin ng Guidelines for Continuous Trial.

“An invocation of ‘substantial justice’ is effectively an admission that the five-day reglementary period in the Guidelines for Continuous Trial indeed applies; plaintiff respectfully submits that a plea to substantial justice cannot cure the fundamental defect of the motion,’ ayon sa prosekusyon.

Dahil dito, hiniling ng panig ng Ombudsman na ibasura ng anti-graft court ang mosyon ni Andaya.

Batay sa mosyon ng kongresista, depektibo ang 97 counts ng graft at malversation na nakahain sa kanya dahil bigo umano nitong patunayan na siya ay dawit sa kontrobersya.

Pero ayon sa prosekusyon, matibay ang naunang ruling ng Sandiganbayan kung saan pinanigan nito ang pagiging valid ng mga reklamo.

Itinakda ng anti-graft court ang pagbabasa ng sakdal kay Andaya at kapwa akusadong si Janet Lim-Napoles sa Lunes, April 22.

Kung maaalala, nag-ugat ang kaso ni Andaya noong siya pa ang kalihim ng Department of Budget and Management kung saan pinayagan umano nito ang release ng P900-milyon pondo ng Malampaya para sa mga biktima ng bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009.

Sa kabila nito, nabatid na napunta ang nasabing pondo sa mga pekeng non-government organizations ni Napoles.