Inamin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na maaaring masayang ang effort sa pagpapasa ng death penalty bills na nakahain sa Senado at Kamara dahil sa isyu ng paraan para sa paggawad nito.
Ayon kay Sotto, ilan sa mga panukala ay nais ng firing squad, may iba namang gusto ng lethal injection at iba pa.
Giit ng senador, baka ipatigil lamang iyon sa korte dahil unconstitutional ang firing squad bilang proseso ng pagpatay.
“Hindi puwede ‘yung sinasabi nila na ang parusa ay firing squad. ‘Yung iba, gusto bitay. Unconstitutional lahat ‘yun,” wika ni Sotto.
Naniniwala ang pinuno ng Senado na dapat “humane” pa rin ang paraan ng pagpaparusa.
Una nang isinulong ni Sotto ang capital punishment sa mga kasong may kaugnayan sa droga, para matakot daw ang mga gumagawa at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Pero hindi aniya siya tutol kung pati ang plunder ay maisasama sa mapapatawan ng bitay.
Kung hindi raw kasi nila isasama ang kasong pandarambong sa papatawan ng kamatayan, baka isipin ng marami na takot silang mga mambabatas na mahatulan ng death penalty, lalo’t maraming nakasuhan ng ganito mula sa hanay ng mga senador at kongresista.