-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Iginiit ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na walang problema ang kakulangan sa korte at prosekusyon sa inaasahang muling pagbuhay ng death penalty sa pagpasok ng 18th Congress.

Hindi aniya problema ang kakulangan ng mga abogado at korte sa bansa kundi ang kultura at ethics sa Pilipinas.

Paliwanag ni PACC Commissioner Manuelito Luna sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kailangan lang mabago ang kultura sa bansa na nadi-delay ang proseso ng pagbibigay ng hustisya kung may pera ang nasasakdal.

Dagdag pa ng opisyal na malaking hamon din sa Department of Justice (DOJ) at sa Korte Suprema ang proseso ng death penalty dahil madalas ireklamo ang delay ng pagbibigay hustisya.

Pinawi naman ni Luna ang pangamba ng publiko sa pagbabalik ng parusang kamatayan dahil sisiguraduhin aniya na dadaan sa masusing imbestigasyon at due process ang papatawan ng parusang kamatayan.

Samantala, suhestyon rin ng opisyal na magpasa ng batas na magbibigya ng sanction sa mga Huwes, piskal, at imbestigador na may presumption ng delay sa isang kaso.