Pormal nang ipinagutos ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang suspensyon sa proseso ng good conduct time allowances (GCTA) ng mga preso.
Ito’y kasunod ng mga panawagan na harangin ang posibilidad ng paglaya ng convicted murderer at rapist na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Ayon kay Guevarra, ipinagutos na niya sa Bureau of Corrections (BuCor) na ibaba ang suspensyon, kasabay ng pagbuo ng task force na sisilip sa panuntunan ng GCTA.
Inatasan ng kalihim ang tanggapan na isumite ang listahan ng unang 200 inmates na napaikli ang sentensya dahil sa binuhay na batas.
“Should there be any sign of fraud or irregularity, I will order a separate probe,” ani Guevarra.
Una ng tiniyak ni BuCor director general Nicanor Faeldon na hindi magagawaran ng GCTA si Sanchez dahil sa ilang paglabag na ginawa nito habang nasa loob ng New Bilibid Prison. Gaya ng pagtatago umano ng illegal drugs at magarang selda.
Maging si Pangulong Duterte ay hinarang na rin umano ang paglaya ng dating alkalde dahil naman sa henious crimes na kinasangkutan ng hinatulang mayor.