ILOILO CITY – Labis na ikinagalak ng mga madre na miyembro ng Dominican Sisters of the Holy Rosary sa Lungsod ng Iloilo ang pagdeklara ni Pope Francis kay Mother Maria Beatrice Rosario Arroyo bilang isang Venerable.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Very Reverend Mother Visitacion Alecto, head ng Congregation of Dominican Sisters of the Philippines sa Molo, Iloilo City, sinabi nito na ikinalulugod nila na kinilala ng Vatican ang “heroic virtues” ni Mother Rosario.
Ayon kay Mother Visitacion, siya ay ang buhay na testigo kung paano namuhay ng simple at matulungin si Mother Rosario kung saan namimigay ito ng bigas sa mga kapus-palad noong ito ay nabubuhay pa.
Ang maideklarang Venerable ay pangalawa sa apat na hakbang patungo sa canonization ng madre.
Kailangan naman ng isang milagro upang maideklarang beatified si Mother Rosario.
Kailangan ding kilalanin ng Santo Papa ang isa pang milagro bago maging ganap na santo at maging pinakaunang Filipina at Ilongga saint kasunod nina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.
Si Mother Rosario ay pinanganak noong Pebrero 17, 1884 sa Molo at namatay noong Hunyo 14, 1957 na inilibing sa Beaterio Del Santisimo Rosario De Molo.
Napag-alaman na si Mother Rosario ay ang great great grandaunt ni dating First Gentleman Mike Arroyo.