KALIBO, Aklan – Kinumpirma ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) Region 6 na malaking problema pa rin ang prostitusyon sa isla ng Boracay.
Ayon kay Anna Karla Villanueva, secretariat ng Regional Inter-Agency Committee against Trafficking and Child Pornography at Violence Against Women’s and their Children (VAWC) ng DSWD-6, patunay umano rito ang nasagip nilang 33 kababaihan noong Abril at ang pagkakaaresto na rin sa apat na bugaw.
Aminado si Villanueva na nahihirapan silang sugpuin ang prostitusyon sa pamosong isla dahil karamihan umano sa mga biktima ay gusto ang trabahong ito dahil na rin mas madali raw kumita ng pera rito.
Samantala, sinabi ng opisyal na ang mga naaaresto nila sa kanilang isinasagawang mga operasyon ay binibigyan ng pagkakataon na magbagong buhay sa pamamagitan ng kanilang inaalok na bagong trabaho ilalim ng programa ng gobyerno.
Gayunman, sa kabila nito ay may mga pumipiling bumalik pa rin sa prostitusyon.