Agad ibinasura ng Supreme Court (SC) ang protection plea ni Ricardo “Ardot” Parojinog, kapatid ng napatay na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na iniuugnay sa iligal na droga.
Ang hirit ni Ardot ay dahil pa rin umano sa mga natatanggap niyang banta sa buhay at seguridad.
Sa resolusyon ng SC en banc na may petsang Hulyo 2 pero inilabas lamang ngayong buwan, hindi pinagbigyan ang hirit ng nakababatang Parojinog na petition ng writ of amparo dahil umano sa “procedural grounds” o ang kakulangan ng merito.
Paliwanang ng Korte Suprema, sa rules ng writ of amparo ay ipinagbabawal ang paghahain ng magkahiwalay na amparo petition kapag may naisampa nang kasong kriminal.
Si Parojinog ay humaharap na sa criminal charges dahil sa paglabag sa immigration law at pilferage of electricity noong dumulog ito sa kataas-taasang hukuman noong Hunyo 19.
Sa ilalim umano ng rules, puwede siyang humiling ng parehong remedyo sa pamamagitan ng mosyon sa criminal cases.
Sa inihaing petisyon ni Parojinog inireklamo nito ang Philippine National Police (PNP) partikular si PNP Ozamiz City chief Police Maj. Jovie Espenido dahil umano sa bantang pag-ubos nito sa lahat ng angkan ng Parojinog.
Maalalang apat na miyembro ng pamilyang Parojinog ang namatay sa madugong raid ng Ozamiz PNP noong July 30, 2017 na pinamunuan mismo ni Espenido.
Kabilang sa mga nasawi ang alkaldeng si Reynaldo, asawang si Susan Echavez-Parojinog, Octavio Parojinog Jr at Mona.
Nasa 16 na katao ang kabuuang bilang ng namatay sa naturang raid.