Mas magiging mahigpit umano kumpara sa NBA ang mga patakaran na ipatutupad sa loob ng PBA bubble sa Clark, Pampanga.
Ayon kay Sec. Vince Dizon, presidente ng the Bases Conversion and Development Authority (BCDA), bagama’t kanilang “gold standard” ang safety and health guidelines ng NBA, titiyakin nila na mas istrikto ang makikita sa PBA.
“The benchmark is the NBA,” wika ni Dizon. “But we have protocols that are stricter than what we see in the NBA.”
Para sa PBA restart, oobligahin ang mga players sa bench na magsuot ng face mask.
Hindi rin papayagan ang mga kaanak ng mga players na pumasok sa bubble sa anumang bahagi ng season.
Hindi rin pahihintuluyan ang pagbibigay ng high-five o iba pang uri ng selebrasyon sa laro.
Ang mga lalabas naman sa bubble ay hindi na papayagang makabalik kahit na emergency ang rason sa paglabas.
“Samin papayagan po namin umuwi ‘pag talagang emergency. Malaman naman namin ‘yan kung emergency eh. Puwede umuwi pero hindi na makakabalik. Once na lumabas ka hindi ka na makakabalik,” giit ni PBA commissioner Willie Marcial.
Nakatakdang magbalik ang Philippine Cup sa Oktubre 11 sa Angeles University Foundation gym.