Isang province-wide manhunt operation ang isinasagawa ngayon ng Cagayan Valley Police Provincial Office laban sa mga suspeks na umatake sa mga pulis na nagsasagawa ng operasyon laban sa illegal logging activities sa probinsiya.
Ito ay base sa direktiba ni PNP chief Gen. Debold Sinas na maglunsad ng crackdown laban sa mga illegal loggers.
Sugatan ang isang police lieutenant sa isinagawang pamamaril ng mga suspeks, kaya pinasisiguro ni Sinas na maaresto ang ibang mga suspeks na at-large sa ngayon.
Iniulat ni Brigadier General Crizaldo Nieves, regional director ng Police Regional Office-2 sa Cagayan Valley region hinggil sa nangyaring shooting incident na ikinasugat ni PLT Randy Baccay, deputy chief of police ng Pañablanca Police Station.
Binigyan ng P50,000 tulong pinansiyal ni Sinas ang sugatang tinyente bilang medial expenses nito.
Ayon kay Nieves, tumugon ang grupo ni Baccay sa ulat hinggil sa presensiya ng mga iligal na namumutol ng kahoy sa Sitio Dalayat, Minanga, Lagum Peñablanca, Cagayan nuong Huwebes ng gabi.
Habang iniinspeksyon ng mga pulis ang mga dokumento ng mga illegally cut logs, bigla na lamang nagpaputok ang mga armadong katao at tinamaan si Baccay.
Agad na naglunsad ng counter action ang mga kasamahang pulis.
Naaresto ng mga pulis si Ernest Sibbaluca, 45, residente ng Barangay Minanga, Peñablanca, Cagayan na positibong tinukoy na isa mga umatake sa mga pulis.
Kaagad namang dinala sa hospital si Baccay para sa medical treatment habang si Sibbaluca ay kasalukuyang nakakulong sa Peñablanca Police Station at sumasailalim sa imbestigasyon.
Ayon kay Captain Rohaina Asalan, chief of police ng Peñablanca Police Station, ang suspek na si Sibbaluca ay mayroong arrrest record noong September 2019 dahil sa paglabag sa PD 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines.
Si Sibbaluca ay nahaharap ngayon sa kasong criminal dahil sa direct assault upon an agent of authority and frustrated murder.
Ongoing sa ngayon ang follow-up operations para ma-recover ang armas na ginamit sa pag-atake.