-- Advertisements --

samar4

Ipinag-utos ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang pinalakas na province-wide manhunt operation laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nasa likod ng pananambang sa patrol car ng PNP sa Samar kahapon na ikinasawi ng isang police officer at pagkasugat ng isang detainee.

Pina-mobilize na rin ni PNP chief ang mga tactical and maneuver forces sa Eastern Visayas.

Naka-deploy na rin ang mga pulis mula sa Regional Mobile Force Battalion na kasalukuyang tinutugis ang mga suspects.

samar3

Mariin namang kinondena ng PNP ang ginawang pananambang ng komunistang NPA sa mga pulis.

Pinatitiyak din ni Sinas na mabigyan ng hustisya sa pagpaslang kay Cpl. Earl Hembra.

Pinasisiguro rin nito kay Police Regional Office (PRO8) Eastern Visayas director, Brig. Gen. Ronaldo de Jesus na mahuli at mapanagot sa batas ang mga rebelde sa ginawa nilang pananambang.

Sa report ni De Jesus kay PNP chief, sinabi nito ongoing sa ngayon ang hot pursuit operations laban sa NPA.

Sinabi ni De Jesus bandang alas-12:56 ng tanghali kahapon at pabalik na ang mga pulis sa police station mula sa dinaluhan nilang court hearing sa Basey, Samar ng tambangan ng mga rebelde.

Sakay sa nasabing PNP patrol car sina Hembra, Pat. Joseph Ricky Gacagcao at Cpl Jerome Distrajo pawang mga miyembro ng Marabut Municipal Police Station na kanilang iniskortan ang detainee na si Nestor Lumagbas Jr.

Sugatan si Lumagbas na nahaharap sa kasong rape.

Nagpa-abot naman ng pakikiramay si PNP chief sa pamilya ni Hembra at sinisiguro ang lahat ng kaukulang tulong ay ibibigay at matatanggap ng mga kaanak.

Sinabi naman ni Sinas na ngayong hindi magdedeklara ng holiday truce ang gobyerno sa CPP-NPA, lalo pa nilang palalakasin ang kanilang opensiba para labanan ang komunistang grupo.

Pinaigting din ng PNP ang kanilang kampanya laban sa mga wanted persons partikular ang mga top communist leaders.