-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Mas pinalalakas pa ngayon ng provincial at City Veterinary Office ang kanilang pagbabantay sa African swine fever (ASF) checkpoints upang hindi na mas lumawak pa ang epekto ng sakit sa iba pang lugar sa probinsya ng Cotabato.

Sa isinagawang pagpupulong ng mga miyembro ng Provincial Development Council, napag-usapan na bukod sa financial assistance mula sa Department of Agriculture ay dapat ding magbigay ng tulong pinansyal ang pamahalaang lokal sa pamamagitan ng pag-apruba ng higit sa P18 million na halaga sa ilalim ng Supplemental Investment Program number 4.

Base sa aprubadong panukala, ang P10 million ay gagamitin para sa mga Veterinary Quarantine Facilities.

Saklaw nito ang pagpapalakas, pagpapaigting at pag monitor sa kaso ng ASF sa iba’tibang lugar.

Ang P8.5 milyon ay nakalaan naman para sa financial assistance sa mga hog raisers na na apektuhan ng ASF.

Magbibigay ang probinsya nga dagdag na P2,000 sa bawat isang baboy na sasailalim sa depopulation operation bagay na dadaan pa sa Sangguniang Panlalawigan.

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Rufino Suropia, ang bawat baboy ay may P5,000 mula sa DA habang P2,000 naman ang magmumula sa LGU.

Hindi naman mabibigyan ng ayuda ang mga biik na hindi pa tumigil sa pagsuso sa kanyang inang baboy.

Samantala sa Kidapawan City, sinabi ni Veterinary officer Dr. Eugene Gornez, nasa dalawang daan na mga baboy na ang isinailalim sa culling operation particular sa Purok Mangosteen, Barangay Linangkob.

Patuloy din ang kanilang isinasawang blood testing lalo na sa mga kalapit na lugar mula sa ASF infected area.