-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isinagawa ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang Provincial Barangay Nutrition Scholars (BNS) Congress and Year-end Assessment bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga ito sa komunidad.

Sa mensahe ni National Nutrition Council XII Regional Nutrition Program Coordinator Retsebeth M. Laquihon bilang guest speaker, binati nito ang tagumpay ng mga BNS lalung-lalo na sa pagsusumikap ng mga ito na mapababa ang stunting incident sa probinsiya. Aniya, mula sa 9% ay bumaba ang stunting rate sa 5%, isang batayan na naipapatupad ng maayos ang programa para sa nutrisyon.

Nagbigay rin ng mensahe si Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza na nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa mga BNS kasabay ang kanyang pangakong dagdagan ang honorarium na matatanggap ng mga ito.

Tampok sa nasabing aktibidad ang mga best practices ng mga BNS sa kani-kanilang barangay upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga kabataan tulad ng monthly monitoring ng mga batang edad 23 months pababa, pag-ambag ng gulay mula sa mga magulang ng barangay bilang tulong sa supplemental feeding, at mga pakikipag-ugnayan sa mga stakeholders at non-government organizations (NGOs) .

Sa panayam kay Kathyliene Paloma, limang taong nang naninilbihan bilang BNS, nagpasalamat ito sa pamahalaang panlalawigan sa pagkilalang ibinigay sa kanila bilang frontliners sa larangan ng kalusugan.

Pinangunahan ng IPHO sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH) Provincial Office ang nasabing aktibidad na may temang: “BNS, isa ang layunin tungo sa pagkamit ng Serbisyong Totoo.”

Nagkakaroon din ng honorarium distribution sa mga nabanggit na health volunteers.