Pansamantalang pinigil ng Quezon City Regional Trial Court Branch 223 ang dry run na itinakda para sa implementasyon ng provincial bus ban sa kahabaan ng EDSA.
Batay sa 25 pahinang utos ni Judge Caridad Lutero, nakitaan ng basehan para pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng pagbabawal sa mga bus na manggagaling sa mga lalawigan.
Una nang isinulong ng MMDA na alisin ang mga provincial buses sa EDSA upang makatulong sa pagpapaluwag sa daloy ng trapiko.
Pero inalmahan ito ng mga operators at drivers ng provincial buses dahil sa laki ng posibleng negatibong epekto sa kanilang hanap-buhay at maging sa riding public.
Sa panukala kasi ay hanggang Valenzuela na lamang ang mga bus mula sa Northern Luzon, habang ang mga manggagaling sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao naman ay hanggang sa Sta. Rosa, Laguna na may layong 33 kilometro mula sa Metro Manila.