Nababahala si Senate committee on public services chairperson Sen. Grace Poe sa malaking epekto ng provincial bus ban sa EDSA.
Ayon kay Poe, mahihirap ang pangunahing tatamaan dito, dahil basic option ng mga ordinaryong mamamayan ang pagsakay sa bus mula sa mga lalawigan.
Kinikilala naman ng senadora ang positibong aspeto na maaaring makapagpaluwag ito sa EDSA, ngunit kailangan aniyang tingnan ang kabuuan ng magiging resulta nito.
“Naisip natin, makakagaan doon sa daloy ng trapiko. Para sa akin, kailangan talagang magkaroon ng pagdinig muli; kasi hindi lamang naman ‘yung mga, halimbawa provincial buses kung aalisin man, papaano na ‘yung ating mga pasahero, ‘yung mga mananakay. Pangalawa, ‘yung mga colorum ba ay talagang tuluyan nang natanggal, kasi ‘yon din, nakakadagdag din ng pagsikip ng daloy ng trapiko or kung magkakaroon ng moratorium ngayon—halimbawa, patapusin natin yung NLEX-SLEX connectors,” wika ni Poe.
Sa kasalukuyan, inaangalan ng mga mananakay ang malayong terminal na babaan ng mga manggagaling sa northern at southern part ng ating bansa.
Problema rin ang sakayan mula sa terminal na papasok ng Metro Manila, dahil dagdag na gastos ito at mahirap para sa may mga bagahe.