Inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na papayagan ang provincial buses na dumaan sa EDSA 24/7 sa kasagsagan ng Undas break hanggang sa Nobiyembre 4.
Sa inilabas na advisory ng ahensiya, pinayagan ang mga bus sa EDSA mula kahapon, Oktubre 29 hanggang alas-5 ng umaga sa Nobiyembre 4 para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.
Ang mga bus na magmumula sa hilagang Luzon ay papayagang tumigil sa terminals sa Cubao, Quezon city.
Ang mga bus naman na magmumula sa south Luzon ay papayagan lamang na bumiyahe patungong Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Una na ngang binigyan ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nasa 1,200 pampasaherong bus at utility bus para sa Undas bilang parte ng hakbang sa ilalim ng Oplan Undas 2024 ng MMDA.