CENTRAL MINDANAO-Alinsunod sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza para sa maayos na pagpapatupad ng Community-Based Monitoring System (CBMS) sa probinsya ng Cotabato, nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial CBMS Coordinating Board sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City katuwang ang Philippine Statistics Authority- Provincial Office.
Tinalakay sa nasabing pagpupulong ang CBMS Republic Act at Board Resolutions, Executive Order No. 57 series of 2022 , CBMS Roll Out 2022 at updates sa pag-iimplementa ng CBMS sa mga lokal na pamahalaan.
Ang CBMS ay isang technology-based system sa pagkalap o pagkolekta ng pang-sambahayang impormasyon sa isang lokalidad na maaaring magamit ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng angkop na mga programa, serbisyo at polisiya na makakatulong sa pangangailangan ng mga nasasakupan nito.
Bilang kinatawan ni Governor Mendoza, inilahad ni Board Member Joemar Cerebo na prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang pag-iimplementa ng nasabing sistema upang magkaroon ng konkretong basehan ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpili ng mga ipapatupad na programa o proyekto at makakatulong upang mapabilis ang implementasyon nito dahil sa mga readily available data or information.
Nasa nasabing pagpupulong din sina Provincial League of IPMR President Arsenio Ampalid, PSA Senior Statistical Specialists Laila Caoagdan at Norhayyah A. Tula, Acting Provincial Planning and Development Coordinator Jonah Balanag, DPWH 1st District Representative Engr. Mamintal Taha, DPWH 2nd District Representative Engr. Eliseo Otoc, at iba pang myembro ng coordinating board.